Oo, tama ang nabasa mo sa title. Pero hindi nangangahulugan na ang urban jungle na tinutukoy sa taas ay ang masalimuot at magulong buhay buhay sa lungsod. Literal na dinala ako ng aking mga paa sa kagubatan sa may Cartimar upang maghanap ng isang uri ng nilalang.... ang mga palaka.
Tsk, tsk... dahil sa urgent and sudden demand ng kapatid ko, napilitan akong maghanap ng mga kalahi ni kermit the frog para sa dissection class nila sa biology. Nangako ako na kukuha ng isang mala-bullfrog na frog (hehe, meron ba nito) para kitang kita ang mga organ. At ang batang kapatid ay sabik na sabik nang i-torture ang palaka.
Exciting maglakad sa kahabaan ng cartimar. Mapapansin ang sari saring taong naglipana at naglalakad sa sari saring direction. Parang mga langgam. Pag tuntong ko sa mga tiangge na nagtitinda ng mga ibon, agad akong nagtanong ng palaka. Siguro inabot ang ng limang tianggeng tinanungan bago nakakuha ng matinong sagot.
Pag ikot ko sa kantong itinuto ng mga tindera, wala ako makitang palaka. Meron mga tambay na mukhang palaka (hahaha), pero wala talagang palaka. Itinanong ko sa isang manong kung saan may palaka, at sumenyas siya na hindi ko maintindihan. Iyon pala ay itinuturo niya ang isang hawla na punong puno ng mga palaka.
Nakaka-awa ang hitsura ng mga palaka. Parang basura lang na pakalat kalat sa tabi ng kalye. Actually, pwede na akong kumuha ng palaka at itakas pero inaalala ko ang papalapit na tindera. Inaalala ko rin na ang dyahe namang bitbitin gamit ang bare hands dahil baka umihi. Unang tanong ko sa nakabusangot na tindera ay ang presyo. Trenta isang frog, singkwenta iyong at wala nang tawad. Sabi ko, nag-canvass lang at bukas ay bibili ako ng pito. Lumiwanag bahagya ang mukha ni ate palaka.
Naghanap ako ng telepono upang kumpirmahin kung ilan sa klase nila ang magpapabili ng frog. Tutubuan sana namin ng 300%. Unang ibinalita sa akin ng kapatid ko ay ..."uy, hindi na tuloy pag-dissect. Next year na daw." Magkahalong tuwa at panghihinayang ang naramdaman ko . Tuwa dahil hindi ko na bibitbitin ang mga palaka mula Pasay hanggang Novaliches. Hinayang dahil naunsiyami ang aming froggie business.
Oh well, next year na lang. Maganda naman siguro mag-negosyo pag nagsimula ang bagong taon.